PINAS NATUWA SA ‘6 FOR PEACE’ SA SPRATLYS
Nina Rose Miranda, Dindo Matining at Noel Abuel
Nagpista sa tuwa kahapon ang Malacañang sa ulat na anim na Southeast Asian countries ang kumampi sa posisyon ng Pilipinas na resolbahin sa pinakamapayapang paraan ang tensyon ngayon sa West Philippine Sea at South China Sea bunsod na rin ng ilang insidente ng intrusyon sa Philippine territory ng bansang People’s Republic of China.
Ayon kina presidential spokesman Edwin Lacierda at Presidential Communications Secretary Ricky Carandang, ikinasisiya nila ang posisyon ng Vietnam, Indonesia, Malaysia, Thailand, Laos at Singapore lalo na’t ito rin naman ang matagal nang ipinaglalaban ng Philippine government bago pa man mapaulat ang umano’y tensyon sa pagitan ng bansa at China.
“We welcome the multilateral call of the six Asian member nations for a peaceful resolution. We all have a stake in the peace and stability in the region. That has been our country’s call and approach to this dispute in the West Philippine Sea,” ani Lacierda.
Dagdag naman ni Carandang, lumalabas na nagkakaisa ang ASEAN sa isyu kung kaya umaasa umano sila na mapayapa nga’ng malulutas ang isyu.
Kahapon ay pinuna naman ni Senate President Juan Ponce Enrile ang masyadong pagiging vocal o ‘masalita’ ng mga tagapagsalita ng Malacañang sa usapin ng Spratlys na hindi umano makakabuti para sa bansa, lalo na ang maaanghang at matatapang na komento patungkol sa China at iba pang bansang claimants ng Spratlys.
“If I were for Lacierda, Carandang and (deputy presidential spokesman Abigail) Valte, I’ll keep quite. We are talking of the nations we are not talking of the administration, we are talking of the interest of the country and not the interest of the government in place,” pahayag ni Enrile.
Samantala, umaasa naman si Vice President Jejomar Binay na hindi makakasira sa relasyon ng Pilipinas at China ang usapin ng Spratlys pero dapat ding maintindihan ng lahat na kailangang protektahan ng gobyernong Aquino ang interes at soberenya ng bansa.
Tinukoy ni Binay ang pagpapadala ng BRP Raja Humabon ng gobyerno sa Scarborough Shoal na ang tanging layunin ay protektahan ang interes ng Pilipinas.
Kahapon ay siniguro ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na tatalakayin ng Pilipinas ang kontrobersyal na isyu sa pagbisita sa China.
Ito ang sinabi ni House Speaker Feliciano ‘Sonny’ Belmonte Jr. kung saan nakatakda itong magtungo sa nasabing bansa ngayong araw kasama ang iba pang kongresista para sa isang friendly visit sa mga Chinese parliamentarians.
No comments:
Post a Comment